Dumaan Ako

Nung nakaraang Linggo napanood ko ang palabas ni Cheche Lazaro sa Cheche Lazaro Presents: Ang Wika Ko, tungkol sa isyu ng wikang ginagamit ng bawat Pilipino at ang epekto nito, kung meron man, sa bawat isang mamayan.

Kahit na sa aking palagay na hindi naman masusukat ang pagka-Pilipino mo sa wika mong ginagamit; na, higit sa ano pa man, ang ugali at gawain mo ang siyang pinaka mahalagang tinitignan ng ibang nasyonalidad, hindi maitatangging walang respeto ang karamihan sa ating salitang pambansa.  Kaya nga naman madaling baguhin at paglaruan, hindi pinapansin ang pamantayan at hindi pinapahalagahan ang mga batas sa pagbuo ng mga pangungusap [Grammar]–di tulad ng paggamit at saloobin natin ng salitang banyaga.

Inaamin ko na mas nasanay ako sa wikang banyaga at mas minahal ko ito–marahil na rin siguro dala ng kamangmangan, at negatibong pagtuturo ng mga guro ko noon.  Naalala ko na pinagbabawalan kami ng aming ina na manood ng palabas na lokal.  Dahil na rin siguro mas mababa talaga ang kalidad ng ibinibigay ng mga pelikula at lokal na aliwan.  Hindi ba nga doon nauso ang mga salitang “for the sake of art” at “pito-pitong” pelikula.  Parang napakadaling isaisang tabi ang magandang pamantayan para sa perang kikitain.

Ang nakakalungkot ay dahil dito hindi napapansin ang tunay na magagandang sining na kayang ipagkaloob ng mga Pilipino.  Sina Amorsolo, Botong Fransisco, Juan Luna, Levi Celerio, Cecil Licad, Lisa Macuja, Lea Salong at marami pang iba ang ilan lamang sa mga taong magagaling na hindi natin nabigyan ng sapat na respeto at parangal na nararapat para sa kanila.

TENERA DE MANGA
Fernando Amorsolo

Siguro kailangan magsimula muna sa atin ang pagmamahal at respeto sa ating sariling kultura at bayan bago natin hanapin ito sa ibang lahi.  Ituro ito sa ating mga kabataan at maging tamang halimbawa sa kanila upang maintindihan nila na hindi nila kailangang ikahiya ang pagiging kayumanggi, pagkakaroon ng pangong ilong at mababang taas, bagkos ay ipahayag sa ibang lahi na, “huwag mo akong maliitin, kaya kong higitan ang ginagawa mo.”  Kailangang malaman nila na meron tayong pantay na kalayaan at karapatan upang ipahayag ang ating sarili, at walang sino man ang dapat magnakaw at bumawi nito.

Si Maningning Miclat ay ipinanganak sa Beijing, China nuong 1972.  Ang kanyang mga magulang ay umalis ng Pilipinas nung panahon ni Marcos.  Bumalik sila dito nung 1986 nung napatalsik na ang pangulo.  Siya ay isang pintor at makata na sumulat sa Filipino, Mandarin at Ingles.  Noong 2000, sa edad na 28, umakyat siya sa ika-7 palapag ng FEU kung saan siya nagtuturo, at dun tumalon sa kanyang kamatayan.

Nag-iwan siya ng mga larawan na kanyang ipininta at mga tula na puno ng puso gamit ang salitang naiintindihan nating lahat.  Isa dito ang tulang “Dumaan Ako” na inawit nina Joey Ayala at Cynthia Alexander.

Berso #2, ni Maningning Miclat

Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog
Parang ang puso ko itong nadudurog.

Kung mag-isa ako ay huwag nang isipin
Sa dilim ay dapat pa akong hanapin
Habang may luha ay huwag pang ibigin
Sa pangarap ko ay huwag nang gisingin.

Kaya kong maghintay sa mga tula mo
Makinig sa awit mula sa kabilang dako
At tuklasin sa paglalakad na ito
Hamog at luha ng bulaklak at damo.

Mapapanood ang sayaw ng tutubi
Mapapakinggan ang ibong humuhuni
Hihinahon ang pusong hindi mapakali
At hihimlay na sa mapayapang gabi.

Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay nahulog
Parang ang puso ko nga itong nadudurog
Parang ang puso ko itong nadudurog.

Advertisements

Leave a comment

Filed under Random Thoughts, YouTube

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s